Biyernes, Enero 26, 2018

Literatura ng Persia - Si Rustam at Si Sohrab


Ang literatura ng Persia, na tinatawag na Iran ngayon, ay isa sa mga pinakaluma ngunit may pinakamahusay na kilalang mga panitikan sa mundo.

Ang isa sa mga nabasa kong panitikan ng Persia ay ang “Si Rustam at Si Sohrab”. Ito ay nagmula sa epiko ng Shahnameh. Inilahad ng epiko ang mahabang kasaysayan ng mga sinaunang tao sa Iran.

Ito ay isang kwento ng isang mandirigma na mula pa noong siya’y hindi pa isinisilang ay nahinuha na, na siya ay isang magiging matapang at magiting na bayani. Ang mandirigmang ito ay nagngangalang, Rustam. Si Rustam ay nakakitaan na ng potensyal bata pa lamang kaya naman noon pa man ay sinimulan niya nang magsanay upang pagdating ng panahon ay maipagtanggol niya ang bansang Iran laban sa mga nagbabalak na sumakop at pumugsa rito.

Isang araw, habang nangangaso si Rustam ay nawala ang kaniyang kabayo. Sa paghahanap, natagpuan niya ang kaharian ng Samangan kung saan naparoroon ang isang napakagandang prinsesa na si Tahmina, ang kaisa-isang anak ng hari. Hindi naglaon ay nahulog sila sa isa’t isa at pinatunayang sila ay nagmamahalan. Nang mahanap na ni Rustam ang kaniyang kabayo, kaagad siyang bumalik sa kanilang kaharian upang ipagpatuloy ang kaniyang nasimulan. Kapalit nito ang paglisan niya sa kaniyang minamahal.

Makalipas ang ilang buwan ay nagbunga ang kanilang pagmamahalan ay naisilang na sa mundo ang kanilang anak, at ito ay si Sohrab.

Sa hindi inaasahang pangyayari, nagkatagpo ang mag-ama sa isang digmaan. Walang kamalay-malay si Rustam na ang kaniyang kinakalaban ay ang kaniyang anak kaya naman ay napatay niya ito. Pagkatapos niya itong kitilan ng buhay, nakita niya ang pulseras na suot-suot ni Sohrab. Naalala niya na iyon ang pulseras na ibinigay niya kay Tahmina at saka lamang niya napagtanto na ang lalaking pinuksa niya ay ang kaniyang mismong anak.


Ang epikong ito ay masasabi nating napakaluma at pang-tradisyunal na uri ng literaura ngunit maraming bagay na nasa modernong panahon ngayon ang pwedeng maihalintulad o marepleka.





Para sa akin, makukulay at kakaiba ang mga tauhan ng Shahnameh. Ito’y nakatuon sa mga kamangha-manghang pakikipagsapalaran, pagmamahal sa lupang sinilangan, karahasang walang katwiran, makakadurog-pusong kuwento ng pag-iibigan, at masakit na katotohanan.

Sa panahon ngayon, si Rustam ay maihahalintulad pa rin sa atin.

Una, ang pagmamahal sa bayang sinilangan ay naisasabuhay pa rin natin ngayon ngunit ang pinagka-iba ay sa panahon nila, karahasan ang sagot. Subalit ang paraan natin ngayon ay iba at hindi na kinakailangan pang may dumanak na dugo para lamang mapatunayan ang pagmamahal sa bayan.

Pangalawa, ang nakakadurog-pusong kuwento ng pag-iibigan. May mga bagay na hindi natin inaasahan na bigla-bigla na lamang darating. Kagaya ng pag-iibigan nina Rustam at Tahmina ngunit sa kabilang dako ay kailangan nating pahalagahan at ingatan ang bagay na ito habang nasa atin pa sapagkat kapag dumating ang araw na bawiin ang bagay na ito mula sa atin, dito mararamdaman ang lubos na panghihinayang at pagsisisi.
Pangatlo, ang masakit na katotohanan. Bagaman may mga biyayang dumaraing sa atin ay hindi natin maiiwasan ang mga mapapait na pangyayari lalo na kung ito ay itinadhana talaga para sa atin. Kagaya na lamang ng masakit na pangyayari sa pagitan ng mag-amang si Rustam at Sohrab. Pareho silang walang alam na ang isa’t isa pala ang kanilang mga mahal sa buhay. Nangyayari rin ito sa panahon natin ngayon. “Laging nasa huli ang pagsisisi”, ang usong-usong mga kataga hanggang ngayon. Sa kabila ng mga paghihirap at mapapait na pangyayari, kailangan lang natin umusad at tanggapin na may mga bagay ng mahirap at hinding-hindi na maibabalik sa dati.

Ang kuwentong ito na isang halimbawa ng literatura ng Persia ay isang makabuluhang istorya. Maraming matututunan at masasabing pinag-isipan at ginamitan ng pagkamalikhain ang pagsusulat. Datapwat ito’y isang masakit na istorya, ito’y nakakapukaw ng damdamin ng mambabasa at nakapagbibigay ng maraming aral ukol sa ating pagmamahal sa sarili, sa kapwa, sa bansa, sa lipunan, at higit sa lahat ang kahalagahan ng katotohan sa ating mga buhay. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento